Naimbitahan akong mag-mountain climbing sa Susong Dalaga. Alam mo naman tayong boys, makarinig lang ng bundok at suso, kahit ano pa hugis at itsura nyan, go go go! Mga bagong kakilala ko lang nag-imbita sa ‘kin, di ko sigurado kung anong mountaineering group sila basta ‘yung dalawa, taga UP mountaineering club. Suspetsa ko lang mga miyembro sila ng Alcoholics Anonymous dahil amoy singkamas ang karamihan sa kanila, pero kahit pa siguro Seks Adiks Anonymous pa ang grupo nila, basta sinabing may libreng pakain, Zest-O juice at unlimited babol gam, sama agad ako dyan. Haha. Isang linggo bago ang pag-akyat, nag-change venue sa bundok Gulugud Baboy sa Batangas, mas bagay daw ‘yun pambeginners. Tsk. Suso na naging baboy pa.
Alas dos ng madaling araw ako gumising at lumabas ng bahay na di ko naman kadalasang ginagawa dahil ‘yun ang oras na kasagsagan ng totnakan ng mga askal na nagkalat sa barangay namin. Inggitin pa ako ng mga hayup. ‘Arf! Arf! Look Badoodles, inggit ka ba? Alam mo ba ‘to? Dis is doggie style.’
Pagkababa namin ng Batangas, sakay kami ng nirentang dyip paloob. Sementado na ang paanan ng bundok kaya madali na lang pumunta dun. Nalaman ko rin na sa bundok na ‘to nagsimula sa pag-akyat sina Dale Abenojar, ang unang Pinoy sa Mt. Everest summit at si Romy Garduce. Kung nagkataon, isa ako sa mga gaya-gaya sa kanila.
Pers taym ko ‘to. Lawit dila agad ako sa sampung minuto pa lang ng pag-akyat. Ambilis ng tibok ng puso ko, naalala ko parang tulad din nung unang beses kong nabosohan ang cleavage ni BebeKo. Ganung ganun pati pagkakalawit ng dila.
May mga bahay-bahay na din sa bundok. Commercialized na din, may nagbebenta ng sopdrinks, ice candy at pangontra sa aswang. Hindi na ako magtataka kung sa susunod na taon, may magbenta ng piratang dibidee dun sa bundok. Sa mga nadadaanan naming bahay, nagbigay ako sa mga bata ng baon kong ‘raisins’. Pinagkaguluhan kaagad. ‘Tae ng kambing ‘yan’, biro ko. Di ko alam na seseryosohin pala. Napahinto ang lahat na parang hindi maipinta ang mukha sa pagnguya. Priceless prank. Naguguluhan ang mga bata sa pag-iisip. Bago pa nila naihagis, tinuruan ko sila ng lesson na hindi nababasa sa textbook sa paaralan, ‘Ok lang yan mga kids, may mga tae talaga ng kambing na nakakain’.
Ako ang natokang isa sa tatlong ‘sweeper’, ‘yung miyembro ng grupo na nasa hulihan ng trail. Bilang sweeper, ikaw ang taga-motivate sa mga humihinto sa paglakad. ‘Kaya mo pa ‘yan pare, isipin mo lang hinihintay kang i-massage ng babae ng FHM sa tuktok’, ganyan ako kagaling mag-motivate, daanin sa basic instinct. Ang mahirap lang sa pagiging ‘sweeper’ ikaw din ang nakakalanghap ng utot ng lahat ng miyembro.
Matapos ang matatarik ng bangin, matatangkad na damuhan, at dalawang oras na pag-akyat, nasa tuktok na din kami ng bundok Gulugod Baboy. Ang million dollar question ko na lang pagkarating sa tuktok ng Gulugud Baboy: Teka, asan ang mga baboy? Walang baboy sa Gulugod Baboy, meron lang kambing, kabayo at mga bakang nagagalit pag nakakakita ng tao.
So eto pala ‘yung naeexperience ng mga mountaineers. Matapos mong magkasugat-sugat, magtraining ng sangkatutak ng ilang buwan, mare-realize mo na ang pag-akyat mo ng bundok ay wala naman talagang dahilan. Power trip lang. Konklusyon: Wtf.
Nag-siesta kami pagkatapos naming kumain. Dito ko rin nadiskubre na hindi totoo ang ‘bed time story’ sakin ng lola ko na gawa sa cotton candy ang ulap. Wala rin itong pinagkaiba sa hamog sa umaga. Naisip ko, mapag-imbento talaga ng kuwento ang mga matatanda, palibhasa wala pa silang soap opera na pagkakaabalahang i-analyze tulad ng kung bakit marunong magtagalog ang mga alien, syokoy at sirenang bida sa palabas.
Para magkaroon naman ng saysay ang mountain climbing namin, namulot kami ng kalat pagbaba. Naisip ko, pano kaya naging bayani sina Romy Garduce sa pag-akyat ng Mt. Everest. Namulot din kaya sila ng kalat pagbaba ng Mt. Everest? Pinwersa ba natin silang magpakapagod umakyat para lang bumaba ulit? Tingin ko mas bayani pa ‘ko dahil namulot ako ng kalat, nagbigay ng raisins sa mga bata, at nagturo sa kanila ng leksiyon na hindi nila makakalimutan habang buhay nila.
Pictures: 1.] Hanapin si boy kulangot. 2.] Eto ‘yung pang Olympic ang taas na basketball court nila sa gulod. Papawis muna ako. 3.] Gulugod Baboy summit 4.] Si ako. Nagpapatuyo ng sinampay.
